Home Entertainment Manny Pacquiao, naniniwalang kayang bigyan ng bahay ang mahihirap in 4 to...

Manny Pacquiao, naniniwalang kayang bigyan ng bahay ang mahihirap in 4 to 5 years: “Sobra sobra pa!”

Usap usapan sa social media ang naging panayam ng television host at actress na si Toni Gonzaga kay Senador Manny Pacquiao na kamakailan lang ay inanunsyo ang plano niyang tumakbo bilang susunod na Pangulo ng bansa.

Ilan sa mga pinag usapan ay ang buhay boxing ng pambansang kamao at ang mga kontrobersiya na kinaharap nito kasama na ang kanyang pahayag laban sa mga miyembro ng LGBT community.

Ngunit mas inabangan ng mga netizens ang paglalahad ni Pacquiao ng kanyang plano kung sakali man na siya ang palarin na maging susunod na lider ng bansa.

Isa sa mga plano niya ay ang bigyan ng maayos na matitirhan ang mahihirap at naniniwala ang pambansang kamao na magagawa ito ng kanyang administrasyon bago matapos ang kanyang termino.


Ayon kay Pacquiao ay kayang kaya ng gobyerno na bigyan ng pabahay ang mahihirap at sobra sobra pa nga daw ito kung tutuusin.

Noon pa lamang ay may mga proyekto na si Pacquiao na pabahay sa General Santos at Sarangani province at ang ginagamit niyang pondo ay galing sa sarili niyang bulsa.

Gusto daw ng pambansang kamao na dalhin ang kanyang naumpisahan sa mga nasabing lugar sa buong Pilipinas.

“Kayang kaya, sobra sobra pa.. in-estimate ko nga e in three to four years, mabigyan ko lahat [ng bahay] pero sinabi ko lang 4 to 5 years para hindi ako maging sinungaling,” ani Pacquiao.

Matatandaan na binatikos ang sinabing ito ni Pacquiao dahil imposible daw na mabigyan ng pabahay ang mahihirap sa mabilis na panahon.

Ngunit iginiit ng pambansang kamao na posible itong mangyari.