Home Entertainment “Kahit na pagod na siya sa work, tumutulong pa rin siya”: Bangs...

“Kahit na pagod na siya sa work, tumutulong pa rin siya”: Bangs Garcia, Ibinahagi ang Kahanga-hangang Katangian ng Kaniyang Asawa

Nakakatuwang makita ang ilang mga tatay na walang sawang ipinapadama ang kanilang pagmamahal at pag-aalaga sa kanilang pamilya. Matapos ang kanilang mahabang araw ng pagtatrabaho, sinisiguro pa rin nilang naaalagaan nila nang husto ang kanilang pamilya. Gaya ng mga tatay na ito, ibinahagi rin ng aktres na si Bangs Garcia kung gaano kasipag ang kaniyang asawa.

Matatandaan na nagsimula ang karera sa showbiz ni Bangs noong 2005. Mula noon, nagkaroon siya ng pagkakataon na makapag-host sa iba’t ibang maliliit na shows. Nagkaroon din siya ng supporting roles sa ilang palabas sa telebisyon hanggang sa makilala siya sa ilang karakter na kaniyang ginampanan sa iba’t ibang pelikula. Dahil sa kaniyang talento, ginawaran siya ng ilang parangal gaya ng Best Supporting Actress noong 2012 at Best Actress noong 2014.

Pansamantalang nagpahinga ang aktres nang magpakasal siya noong 2016 sa kaniyang non-showbiz boyfriend na si Lloyd Birchmore. Bumuo na rin ang mag-asawa ng isang maliit na pamilya kasama ang kanilang dalawang anak na babae na sina Amelia at Isabella. Mula noon ay naging tahimik at masaya ang kanilang buhay at nitong nakaraan lamang ay ibinahagi ni Bangs ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Photo credits: Valerie Garcia-Birchmore | IG

Sa isang panayam sa morning talk show na Magandang Buhay, ibinahagi ni Bangs ang kaniyang pasasalamat sa kabutihan ng kaniyang asawa. Ipinagmamalaking ikinuwento ng aktres na sa kasalukuyan ay isa siyang housewife. Siya ang namamahala sa kanilang tahanan at nag-aalaga sa kanilang mga anak samantalang buong araw na nagtatrabaho ang kaniyang asawa. Isa umano sa kaniyang mga trabaho ay ang masiguro na maayos ang kanilang tahanan bago pa man dumating ang kaniyang asawa.

Bagamat si Bangs ang gumagawa ng karamihan sa mga gawaing-bahay, talagang bilib pa rin siya sa kaniyang asawa. Ayon sa kaniya, kahit na pagod ito matapos ang mahabang araw sa trabaho ay nagagawa pa rin niyang tumulong kay Bangs,

“Kahit na pagod na siya sa work, tumutulong pa rin siya”.

Photo credits: Valerie Garcia-Birchmore | IG

Mayroon ding ilang gawain na talagang regular na ginagawa ng kaniyang asawa para sa kaniya. Dagdag pa ng aktres, nagpapasalamat siya sa kaniyang biyenan dahil talagang nasanay na ang kaniyang asawa sa mga gawaing-bahay.

Photo credits: Valerie Garcia-Birchmore | IG

Hindi lamang sa mga gawaing-bahay tumutulong ang asawa ni Bangs. Nagbibigay rin umano ito ng emosyonal na suporta lalo na kung nakakaramdam siya ng stress at pagod sa pag-aalaga sa kanilang mga anak. Dahil dito, talagang proud at malaki ang pasasalamat ni Bangs sa kaniyang asawa.